Putin, Pope Francis nagpulong sa ikatlong pagkakataon

Nagkaroon ng pagpupulong sina Russian President Vladimir Putin at Pope Francis araw ng Huwebes, July 4, sa Vatican.

Ang ikatlong pulong ni Putin sa lider ng Simbahang Katolika ay sa gitna ng gumagandang relasyon ng Vatican at ng Orthodox Churches.

Ayon kay Putin, naging malaman ang diskusyon niya sa Santo Papa na tumagal ng 55 minuto.

Ayon sa ulat ng foreign media, ilan sa mga napag-usapan ay ang lumalalang sitwasyon sa Syria at Venezuela.

Naganap din ang pulong nina Putin at Pope Francis isang araw bago ang nakatakdang pagtungo sa Vatican ng Catholic leaders mula sa Ukraine para iulat sa Santo Papa ang mga krisis na kanilang kinahaharap.

Magugunitang taong 2015 hinimok ng Santo Papa si Putin na trabahuin na matamo ang kapayapaan sa Ukraine sa pamamagitan ng pagtulong na mawakasan na ang alitan ng Ukrainian government forces at pro-Russian separatist rebels.

Samantala, tila ipinakita ni Putin ang consistency sa pagiging ‘late’ sa tatlong pulong nito kay Pope Francis.

Sa pulong noong 2013 ay 50 minutong late ang Russian leader, higit isang oras noong 2015 at 45 minuto namang late sa meeting kahapon.

Samantala, posibleng magbigay daan ang pulong kahapon sa makasasayang papal visit sa Russia ni Pope Francis.

 

Read more...