MMDA nanindigan na hindi aalisin ang mga orange barriers sa EDSA

By Den Macaranas December 21, 2015 - 04:01 PM

Orange Barriers
Inquirer file photo

Binigyang-diin ng Metropolitan Manila Development Authority na hindi nila aalisin ang mga orange barriers sa EDSA sa kabila ng mga reklamong ipinarating sa kanila ng ilang mga motorista.

Sinabi ni MMDA Acting Chairman Emerson Carlos na ginagamit ang nasabing mga road barriers sa pagpapatupad ng disiplina sa mga lansangan lalo na sa EDSA kung saan ay buhol-buhol ang daloy ng trapiko.

Aminado rin ang opisyal na ang mga orange barriers ang kanilang ginagamit bilang pambakod sa bus lane para hindi lumabas sa kanilang pila ang mga pampasaherong bus.

Nauna dito, sinabi ng ilang mga motorista na nagiging dahilan ng aksidente ang mga water-filled orange barricades dahil walang reflectorized signs ang mga ito.

Pero sa kanyang panig, ikinatwiran ni Carlos na mas ligtas ang mga ito para sa mga motorista kumpara sa mga dating concrete barriers na ginagamit ng MMDA.

Noong kasagsagan ng bagyong Nona ay maraming mga orange barriers ang tinangay ng baha dahil karamihan sa mga ito ay walang lamang tubig.

TAGS: Carlos, mmda, Orange Barriers, Carlos, mmda, Orange Barriers

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.