“Rule of law pairalin sa kaso ni Duterte” sa ‘Wag kang Pikon ni Jake Maderazo

December 21, 2015 - 01:27 PM

JAKE MADERAZOTULAD ninyo, binantayan ko ang pagdinig ng Co-melec sa kaso ni Martin Diño dahil sa iniurong niyang Certificate of Candidacy na ginamit na subs-titute COC ni Davao Ma-yor Rodrigo Duterte sa pagkapangulo.

Nitong huwebes, nagpasya ang Commission on Elections na tanggapin ang substitution COC ni Duterte, 6-1 ang boto “on the basis of form and not substance.”

At dito, napaka-importante itong COC ni Diño dahil kung maideklarang “nullified” ito, sino ang papalitang presidential candidate ni Digong?

Ayon kay Atty. Ted Contacto, abogado ni Diño, ang pagkakamali raw ng kanyang kliyente ay “typo” lang, isang “honorable mistake” dahil sa kanyang pagmamadali sa Comelec deadline.

Sa COC ni Diño, nailagay niya na siya ay tatakbo bilang mayor ng Pasay City pero pumirma siya sa nomination sa pagkapa-ngulo.

Sabi naman ni Atty. Vitaliano Aguirre, abogado ni Duterte, ang ginawa ni Diño ay “honest mistake” at “mere innocuous errors” o maliliit lamang na pagkakamali.

Bukod dito, inalerto agad ni Diño ang Comelec Law Department sa kanyang mga pagkakamali at ayon pa kay Atty. Aguirre, ito’y patunay na “valid” ang COC nang hindi siya idineklarang “nuisance candidate.”

Tanong pa ni Aguirre, paanong madedeklarang panggulo si Diño na Deputy Secretary General ng PDP LABAN na partido nina Dating pangulong Cory Aquino at iba pang national leaders?

Ayon naman kay Sen. Koko Pimentel, dapat tingnan ang mas malaking picture at hindi ang mga depekto ng COC.
Kinwestyon naman ng Davao-based broadcast journalist na si Ruben Castor ang sinasabing “honest mistake” at “mere innocuous errors” ni Diño dahil 10 kopya nga naman ang pinirmahan nito na COC nang isumite sa Comelec.

Sabi naman ni Atty. Oliver Lozano, ang nilalaman dapat ng COC ay dapat na makatotohanan dahil kung hindi, ito’y “null and void.”

Sumawsaw naman sa isyu ang election lawyer na si Romy Macalintal na nagbabala na kung pagbibigyan ng Comelec ang “honest mistake” ni Diño dapat ding pagbigyan ang petisyong “honest mistake” ni Sen. Grace Poe.

Ayon sa Comelec law department, pinadalhan nila ng sulat si Diño noon para magpaliwanag kung bakit siya dapat i-disqualify. Nang matanggap ito, saka lamang nag-withdraw ng kanyang COC at inilagay bilang substitute si Duterte.

Tinanggap ng Comelec ang “withdrawal” ni Diño dahil sa ito’y “moot and academic” at umayaw na mismo ang kandidato. Pero nagsampa naman ng petisyon sina Castor na ideklara itong “null and void” na nagkaroon naman ng epekto sa “substitution nomination ni Digong.

At sa Lunes Dec. 28, kailangang ipaliwanag ni Diño sa Comelec ang mga “factual matters” sa kanyang COC at maipa-labas na ito’y valid at siya ay hindi “nuisance candidate”.

Sa totoo lang, hindi dapat nagkaproblema ang kandidatura ni Mayor Digong kung maaga siyang kumandidato sa PDP-LABAN. Hindi rin dapat nagkaproblema kung nasa wasto ang nilalaman ng COC ni Captain Diño. Sino ba ang may gusto na hindi kasali si Mayor Duterte? Palagay ko naman wala. Mas maraming pagpipilian, mas maganda sa bayan.

Pero, lahat ay dapat alinsunod sa batas. Kung labag sa batas ang COC na dadaanan mo bago pa makarating sa Malakanyang, aba’y hindi po magandang simula iyan. “Rule of law” dapat ang mangibabaw at dito kailangang magdesisyon ng Comelec at ang pinal na pasya naman ng Korte Suprema.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.