OFWs handang magbalik-bansa upang tumulong sa mga railway project ng DOTr

“Bayan ko naman!”

Iyan ang pangunahing mensahe ng mga Overseas Filipino Worker (OFW) sa kanilang pakikipagdayalogo sa mga opisyal ng Department of Transportation (DOTr) hapon ng Miyerkules, July 3, 2019.

Nabatid na mahigit 57 OFWs ang nakipagpulong kay DOTr Secretary Arthur P. Tugade sa ASEAN Convention Center, kabilang ang iba pang mga opisyal ng DOTr at tagapamuno ng mga ahensya sa Railways Sector, upang ihayag ang kanilang interes sa pagtulong sa mga proyekto ng administrasyong Duterte.

Karamihan sa mga OFW ay mga machine operator, engineer, at mga manggagawang may kahusayan sa mining, electrical, piping, at drill and blasting.

Anila, sa ilalim ng administrasyong Duterte, nais nilang makatulong sa mga proyektong magpapaunlad sa buhay ng mga kapwa-Pilipino.

Nagpahayag naman ng pasasalamat at pagkagalak si Secretary Tugade sa kagustuhan ng mga OFW na maglingkod sa bayan, sa kabila ng mas malaking kita sa labas ng Pilipinas.

Dumalo rin sa pagpupulong sina DOTr Undersecretary for Finance Garry De Guzman, Undersecretary for Railways Timothy John Batan, Metro Rail Transit 3 (MRT-3) General Manager Rodolfo Garcia, Light Rail Transit Authority (LRTA) Administrator Reynaldo Berroya, Northrail Chairman Eduardo Quintos, at Philippine National Railways (PNR) Spokesperson Joseline Geronimo.

Inihayag ng pamunaun ng mga naturang ahensiya na bukas ang MRT-3, LRTA, at PNR sa pagtanggap sa mga OFW sa kanilang mga tanggapan.

Inilahad ni Secretary Tugade na magkakaroon pa ng mga susunod na dayalogo para sa mga OFW na makikibahagi sa mga proyekto sa mga sektor ng Maritime, Road Transport, at Aviation and Airports.

Read more...