Pag-iipon ng ulan upang mainom, isinusulong sa Kamara

John Carlos Cuadra | Contributed photo

Para masolusyunan ang problema sa supply ng malinis na tubig sa Metro Manila at mga kalapit na lalawigan, isinusulong ni Leyte Rep. Martin Romualdez ang pag-iipon ng ulan para gamiting maiinom.

Paliwanag ni Romualdez na presidente ng partidong Lakas-CMD, nakakapagtaka umano kung bakit laging lubong sa baha ang Metro Manila kahit kaunting ulan lamang gayung wala naman malinis na supply ng tubig sa mga gripo.

Ayon sa kongresista, ang central authority na tatawaging Department of Water ay tututukan ang pagtatatag ng malinis na water supply mula sa iba’t ibang pagkukunan nito tulad ng tubig ulan na mula naman sa mini dams.

Giit pa niya na ang bumabagsak na ulan kada taon sa bansa ay naglalaro sa 965 o 4,064 millimeters kaya napapanahon na para pag-aralan ang posibilidad na paggamit ng tubig ulan bilang pinagkukunan ng malinis na inuming tubig na magsu-supply sa mga siyudad at munisipalidad.

Ang idea umano para sa konstruksyon ng dams ay ipinanukala kay Romualdez ni Bulacan Rep. Gavini “Apol” Pancho sa ginawang pre-SONA economic and infrastructure forum sa PICC Reception hall sa Pasay City.

Sinabi ni Pancho na ang konstruksyon ng mini dams ay hindi lamang makakatulong para tugunan ang kakulangan sa supply ng tubig kundi mareresolba din nito ang pagbaha sa Metro Manila at karatig lalawigan.

Read more...