2 patay, 26 sugatan sa pagtagilid ng Elf Truck sa North Cotabato

Dalawang magsasaka ang patay habang nasa 26 ang sugatan makaraang mawalan ng kontrol at tumagilid ang sinasakyan nilang Elf truck sa Pikit, North Cotabato, Martes (July 2) ng umaga.

Ayon sa ulat, nawalan ng kontrol ang driver ng truck nang may makasalubong itong motorsiklo matapos mag-overtake sa isang motorsiklo sa Barangay Nalapaan pasado alas-7:00 ng umaga.

Dahil dito nagpa-gewang-gewang ang Elf truck bago tumagilid sa gitna ng kalsada.

Kinilala ang mga nasawi na sina Akraman Aluyudan, 43-anyos at Huyaan Mamir, 27 anyos na kapwa residente ng Barangay Giling, Alamada, Cotabato.

Ang mga nasugatan naman kabilang ang driver ng truck na nakilalang si Esmail Manisin Tambag ay agad na dinala sa pinaka-malapit na ospital.

Galing ang Elf truck sa bayan ng Alamada patungo sana ng Brgy. Amas Kidapawan City para dumalo sa isang seminar sa kooperatiba ng mangyari ang aksidente.

Nagpapatuloy naman ang imbestigasyon sa pangyayari.

Read more...