Aabot sa P1.4 milyong halaga ng high grade marijuana ang nakumpiska ng Bureau of Customs (BOC) – NAIA sa Central Mail Exchange Center sa Pasay, Lunes ng gabi.
Isang residente ng San Juan na nakilala sa alyas na ‘Mark’ ang hinuli matapos i-claim ang package galing Illinois, USA.
Snacks na nagkakahalagang $200 ang nakadeklarang laman ng kahon.
Kailangang buksan ang package alinsunod sa patakaran ng Customs-NAIA.
Pero pagkabukas ng mga awtoridad, tumambad ang marijuana na nakatago sa tortilla chips.
Binalaan ng Customs – NAIA ang publiko laban sa pagpuslit ng mga iligal na kontrabando.
Tumangging magbigay ng pahayag ang nahuling suspek.
Sasampahan ang claimant ng kasong paglabag sa mga probinsyon ng RA 10863 o Customs Modernization and Tariff Act in relation to RA 9154 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.