Pag-atras sa term-sharing, kawalan ni Rep. Velasco ayon sa ilang political analysts
Naniniwala ang ilang mga political analysts na posibleng mawalan ng kumpiyansa si Pangulong Rodrigo Duterte kay Marinduque Rep. Lord Allan Velasco kasunod ng pag-atras nito sa nabuong term sharing sa House Speakership.
Ayon sa political analyst na si UP Professor Ranjit Rye, kawalan ni Velasco ang pagtanggi sa kasunduan na term-sharing lalo’t inaprubahan ito ng Pangulo bilang solusyon sa gusot sa Speakership race.
Sinegundahan ito ng isa pang political analyst na si Mon Casiple na nagsabing hindi ang term-sharing ang partikular na tinanggihan ni Velasco kundi ang nais mangyari ni Pangulong Duterte.
Samantala, wala namang nakikitang masama ang ilang kongresista sakaling magkaroon ng term-sharing sa speakership.
Katuwiran ni Cavite Rep. Abrahan Tolentino, alam ni Pang. Duterte ang makabubuti sa kanyang administrasyon kaya kung nais nito ng term-sharing ay tatalima ang mga miyembro ng Kamara.
Una rito, kinumpirma mismo ni Pang. Duterte na nagkasundo sa 15-21 na term sharing bilang House Speaker sina Velasco at Taguig Rep. Alan Peter Cayetano, pero umatras si Velasco dahil ayaw nitong si Cayetano ang maunang uupo.
Pero sinabi naman ni Velasco na hindi makikialam ang Pangulo sa isyu ng speakership race sapagkat kanya na itong ipinauubaya sa mga miyembro ng Kamara.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.