Supply ng tubig hindi pa normal kahit tumaas na ang antas ng Angat Dam

Hindi pa ibabalik ng National Water Resources Board (NWRB) ang normal na alokasyon ng tubig sa Maynilad at Manila Water kahit nadagdagan na ang water level sa Angat Dam bunsod ng patuloy na pag-uulan.

Ayon sa NWRB, kailangan na maging stable at consistent muna ang pagtaas ng lebel ng tubig sa Angat Dam bago maging normal ang alokasyon ng tubig na 46 cubic meters per second.

Ibinaba sa 36 cubic meters per second ang water allocation ng NWRB sa Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) dahil sa pagbagsak ng antas ng tubig ng dam na mas mababa sa critical level.

Pero araw ng Lunes ay bahagyang tumaas sa 159.91 meters ang antas ng tubig sa dam pero mababa pa rin ito sa 160 meters na normal operating level para sa suplayan ang mga kabahayan sa mga lugar na sakop ng Manila Water at Maynilad.

Ayon kay NWRB Executive Director Sevillo David, kulang pa ang dagdag na tubig sa 180 meters na operating level para sa parehong domestic use at irrigation supply.

Samantala, sinabi naman ng Pagasa na maaaring maging sapat na ang ibubuhos na ulan ng mga paparating na bagyo.

Ayon sa Pagasa, sa 2 hanggang 3 bagyo ay pwede nang maging normal ang water level ng Angat Dam.

 

Read more...