Mga ipapasang batas ng Kamara ililinya sa medium-term development plan ni Pangulong Duterte
Prayoridad ng Kamara na ilinya sa medium-term development plan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga ipapasang panukalang batas sa 18th Congress na naglalayong ibaba ang antas ng kahirapan sa 14 percent pagdating ng 2022.
Ayon kay Leyte Representative Martin Romualdez, tiniyak ng mga kongresista sa isang multi-party caucus ang mabilis na pag-apruba sa priority economic bills para maisakatuparan ang pagkakaroon ng upper-middle income economy.
Nakatakda rin itong igiit ng kongresista sa pre-SONA event ng economic managers ng administrasyong Duterte ngayong araw sa Pasay City.
Aminado si Romualdez na hindi madaling makamit ang target subalit kailangan lamang na magkaisa ang mga mambabatas sa Kamara para magampanan ang trabaho.
Sa ilalim ng bagong Philippine Development Plan ay maglalatag ng mga stratehiya para maabot ang inclusive growth, tuluy-tuloy na paglago ng ekonomiya sa 7 hanggang 8 percent at pagbaba ng poverty incidence sa rural areas sa 20 percent sa 2022 mula sa 30 percent noong 2015.
Nakapaloob naman sa 6-year road map ang nasa isandaang legislative measures kung saan pito sa dalawampu’t isang panukala ay naisabatas noong 17th Congress habang pagtutuunan ng pansin ngayon ang pag-amiyenda sa Foreign Investments Act, Bank Secrecy Law, Public Service Act, Security of Tenure Bill, Budget Reform Act at TRABAHO Bill o TRAIN 2.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.