New Year suicide bombing plot sa Indonesia, napigilan

Mula sa inquirer.net/AFP

Pinaniniwalaang napigil ng Indonesian police ang isang malawakang  terror plot na isasagawa sana ng mga terosita sa mismong bagong taon makaraang maaresto ang limang suspek na sangkot umano sa tangkang suicide bombing sa Jakarta.

Sunud-sunod na sinalakay ng puwersa ng Indonesian police ang kuta ng mga pinaghihinalaang mga miyembro ng isang extremist network na nakabase sa Java at nakakumpiska ang mga ito ng ibat-ibang uri ng kemikal at iba pang laboratory equipment.

Bukod dito, nakarekober din ng isang bandila na ginagamit ng mga taga-suporta ng ISIS ang mga otoridad sa isa sa mga sinalakay na safehouse ng mga suspek.

Kabilang sa mga naaresto ang isang nagngangalang Asep Urip, isang 31-taong gulang na guro ng isang boarding school sa Central Java at ang 35-anyos nitong estudyante na si Zaenal.

Si Zaenal umano ang isa sa mga estudyanteng nire-recruit ng mga terorista upang magsilbing suicide bomber sa kanilang plano na isasagawa sa pagsalubong ng bagong taon.

Ang pag-aresto sa dalawa ay bunsod ng naunang pagdakip sa dalawa pang suspek na may kaugnayan sa paaralan na pinagtuturuan ni Urip at sa ilang mga expert bombmaker sa Java.

Isa pang suspek ang naaresto malapit sa bayan ng Semarang noong Sabado kung saan nakakumpiska ang mga otoridad ng mga materyales sa paggawa ng bomba tulad ng mga fertilizer at mga spike na ginagamit bilang shrapnel.

Paniniwala ng mga otoridad, sangkot ang mga naarestong suspek sa isang organisadong terror cell na nag-ooperate  sa naturang bansa.

Nitong nakalipas na buwan, pinaigting ng Indonesia ang kanilang  seguridad sa paliparan sa Jakarta matapos makatanggap ng intelligence report ng posibilidad na pag-atake ng mga terorista.

Matatandaang noong 2002, naganap ang Bali bombing na ikinamatay ng nasa 202 katao kung saan karamihan dito ay mga turista.

Read more...