Nasa dalawampung lalakeng Hapones na kasapi ng grupong “Losers with Women” ang nag-protesta sa Tokyo, Japan upang kondenahin ang nalalapit na Pasko at ang kanilang pagiging ‘single’ sa tuwing sumasapit ang okasyon taun-taon.
Bitbit ang mga placards na may mga katagang “Smash Christmas”, nag-martsa ang grupo sa mga lansangan sa Shibuya district sa kalagitnaan ng mga mamimili.
Giit ng grupo, kanilang kinokontra ang pagiging ‘commercialized’ ng Pasko at ang diskriminasyon ng okasyon laban sa mga single na lalake.
Anila, ginagamit ng mga negosyante ang Pasko upang pagkakitaan ang mga taong ‘in-love’ dahil ito ang panahon na gumagastos ang mga ito upang mamili ng mga regalo para sa kanilang mga minamahal.
Dati nang nagsasagawa ng mga rally ang grupong “Losers with Women” tuwing gugunitain ang mga ‘western holidays’ tulad ng Pasko at Valentine’s Day.
Sa Japan, hindi isang opisyal na holiday ang December 25, ngunit ginagamit itong pagkakataon ng mga magsing-irog upang mag-date.
Samantala, ang New Year’s Day naman ay okasyon para sa mga family reunion sa naturang bansa.