Umakyat sa walo katao ang nasawi sa nangyaring pagsabog sa kampo ng militar sa Sulu Biyernes ng hapon.
Naganap ang pag-atake sa pansamantalang kampo ng Philippine Army First Brigade Combat team sa Barangay Kajatian.
Ayon kay Armed Forces of the Philippines-Western Mindanao Command Spokesperson Major Arvin Encinas, tatlo sa mga nasawi ay sundalo habang tatlo pang sibilyan ang namatay at ang dalawang suspek na may dala ng bomba.
Nasa 12 naman ang nasugatan sa insidente.
Naniniwala si Philippine Army spokesman Lieutenant Colonel Ramon Zagala na walang ibang hangarin ang pambobomba kundi guluhin ang mahigpit na seguridad at ang military operation sa lugar.
Nauna nang sinabi ng military na posibleng mga kasapi ng Abu Sayyaf Group ang nasa likod ng nasabing pag-atake.
Kagabi ay inilagay na rin sa full alert status ang buong pwersa ng pulisya sa Metro Manila dahil sa nasabing pagpapasabog sa Sulu.
Samantala, naglabas rin ng pahayag ang Islamic State na nagsabing sila ang gumawa ng pag-atake sa naturang military camp.