Bus company na sangkot sa madugong aksidente sa NLEX sususpindehin na ng LTFRB
Inihahanda na ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang preventive suspension laban sa Buenasher Transport.
Ito ay makaraang masangkot sa aksidente ang isa sa kanilang mga bus na nagresulta ng kamatayan ng walo katao kagabi sa North Luzon Expressway sa Valenzuela City.
Sinabi ni Transportation Assistant Secretary Goddes Hope Libiran na anumang oras mula ngayon ay ilalabas ni LTFRB chairperson Martin Delgra III ang preventive suspension laban sa nasabing bus company.
Sinabi rin ng opisyal na dapat sagutin ng Buenasher Transport ang gastusin para sa mga namatay at sugatang pasahero sa aksidente.
Pasado alas-syete ng gabi kagabi nang mawalan ng control ang tsuper ng nasabing bus sa Northbound lane ng NLEX patungong Sta. Maria Bulacan.
Makaraan itong bumangga sa road barrier ay pumihit ang bus papunta sa Southbound lane na nagresulta rin sa pagsisikip ng trapiko sa magkabilang panig ng expressway.
Inihahanda na rin ng Valenzuela City Police Office ang kasong isasampa laban sa tsuper ng bus.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.