Malacañang: Impeachment vs. Duterte hindi uusad

Kumpiyansa ang Palasyo ng Malacañang na hindi uusad ang anumang bantang impeachment complaint laban kay Pangulong Rodrigo Duterte.

Sa isang pahayag araw ng Biyernes, sinabi ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo na hindi takot si Duterte na matanggal sa pwesto dahil numbers game naman ang impeachment.

Iginiit ni Panelo na nasa likod ng presidente ang supermajority sa Kongreso.

Posible anyang sa Mababang Kapulungan pa lamang ay hindi na agad uubra ang isasampang impeachment complaint.

“How can the President be scared of impeachment? An impeachment is a numbers game.We have the super majority in Congress,” ani Panelo.

Ang isyu ng impeachment complaint ay lumutang dahil sa pahayag ni Duterte na papayagan nitong makapangisda sa exclusive economic zone ng Pilipinas sa West Philippine Sea ang mga Chinese.

Iginiit ni Senior Associate Justice Antonio Carpio na ito ay paglabag sa Konstitusyon kung saan nakasaad na dapat pangalagaan ng Estado ang marine wealth sa loob ng exclusive economic zone at dapat magamit lamang mismo ng mga Filipino.

Noong Huwebes ay nagpupuyos sa galit ang pangulo at nagbantang ipakukulong ang mga kritiko na susubok na matanggal siya sa pwesto.

Read more...