Arestado ang isang bumbero na nakatalaga sa Bureau of Fire Protection (BFP) sa Mandaue, Cebu dahil sa umanoy pangingikil ng pera mula sa isang aplikante.
Ayon kay Police Brig. Gen. Debold Sinas, Police Regional Office sa Central Visayas, timbog si Fire Officer 1 (FO1) James Royce Cañete, 27 anyos, sa entrapment operation.
Isinagawa anya ang joint operation ng Mandau Police, BFP Mandaue at Criminal Investigation and Detection Group in Central Visayas (CIDG-7) matapos humingi sa kanila ng tulong ang biktimang aplikante na si Mark Neal Pancho, 28 anyos.
Ayon kay Pancho, sinabihan siya ni Cañete na kailangan ang P30,000 para tiyak na matanggap siya bilang firefighter-recruit.
Nang malaman na walang babayaran para maging BFP recruit, nagsumbong ang biktima sa mga otoridad.
Sa operasyon sa Barangay Centro, kinontak ng biktima ang suspek at nag-alok ito na magbibigay muna ng P3,000 bilang advance sa P30,000.
Pagkabigay ng marked money ay agad na inaresto ang bumbero.
Nakakulong na ang suspek sa Mandaue City Police Office detention cell at inihahanda ang kasong robbery, extortion at bribery laban dito.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.