MWSS, pinagmumulta ang Maynilad dahil sa water interruption

Pinagmumulta ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) ang Maynilad Water Service Inc. dahil sa water interruptions.

Sa inilabas na pahayag, sinabi ni MWSS Chief Regulator Patrick Ty na paglabag sa Concession Agreement ang kabiguan ng Maynilad na makapagbigay ng 24/7 na water service.

Base aniya sa nakalap na ebidensya ng MWSS Regulatory Office, umabot lang ang water service sa mga customer sa minimum pressure na 7 pounds per square inch (psi) sa loob ng 15 araw sa ilang bahagi ng Barangay Captain Albert Aguilar sa Las Piñas City.

Dahil dito, ipinag-utos ng MWSS Board of Trustees sa Maynilad na magbigay ng P2,500 na rebate sa mga consumer na matinding naapektuhan ng water service interruption.

Isasama aniya ang rebate sa mga susunod na water bills ng mga consumer.

Pagtitiyak pa ng MWSS official, ginagawa ng ahensya ang lahat para maprotektahan ang interes ng mga publiko.

Noong buwan ng Abril, pinagbayad ang Manila Water ng kabuuang P1.13 bilyong multa kasunod ng malawakang service interruption sa east zone ng Metro Manila.

Read more...