Sumiklab ang napakalaking wildfire sa Catalonia Region sa Spain sa kalagitnaan ng nararanasang heatwave sa malaking bahagi ng Europe.
Nasa 6,500 ektarya ng lupain malapit sa bayan ng La Torre de l’Espanyol ang nasunog.
Ayon kay regional interior minister Miquel Buch, posibleng umabot pa ang apoy sa lawak na 20,000 ektarya.
Ito na anya ang pinakamalalang wildfire sa Catalonia region sa loob ng dalawang dekada.
Umabot na sa 53 katao ang inilikas at limang kalsada na ang isinara dahil sa wildfire.
Sa ngayon, nasa 120 bumbero ang nagtutulungan para makontrola ang apoy na nagdudulot ng makapal na usok.
Ayon sa mga bumbero, ang mainit na temperatura, low humidity at malakas na hangin ang nagpalakas sa sunog.
Maraming lugar sa Europe ang nakararanas ng napakainit na panahon na umaabot sa 40 degrees Celsius pataas at winasak ang highest recorded temperatures para sa buwan ng Hunyo.