Nagbanta umano ng ‘gulo’ si Chinese President Xi Jinping sakaling magsagawa ng oil exploration ang Pilipinas sa West Philippine Sea.
Sa panayam ng media matapos ang oath-taking ni incoming Senator Bong Go, sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na ginawa ni Xi ang pagbabanta sa kanilang naging bilateral meeting.
Kwento ng pangulo, sinabihan niya si Xi na maghuhukay ng langis ang Pilipinas sa pinag-aagawang mga teritoryo ngunit sinabi nito na magtulungan na lamang ang Maynila at Beijing sa usapin ng kalakalan, komersyo at pamumuhunan.
“Sabi ko, ‘I’m going there to dig oil.’ Ang sagot ni Xi Jinping in whisper, . . . ‘Alam mo, Mayor Duterte, we just restored our friendship. It was not good for a number of years. Pero huwag na muna tayong pag-usapan.’ Sabi niya, ‘Let’s talk about helping each other, trade, commerce, investment, China can help’,” ayon sa pangulo.
Pero iginiit umano ni Duterte ang paghukay ng langis at dito na nagbanta ng gulo si Xi.
“No, no, balik ako sabi ko, ‘I want my oil because that is ours there.’ And he said, ‘No, because you know that could mean trouble’,” ayon kay Duterte.
Sinabi ng presidente na malinaw na pagbabanta ang pahayag ni Xi.
“Pag lumabas yang that is trouble, anong ibig sabihin niyan from the mouth of a president?” giit ng pangulo.
Magugunitang sa arbitral tribunal ruling sa Hague noong 2016, nilinaw ang karapatan ng Pilipinas sa 200- mile Exclusive Economic Zone (EEZ) nito kabilang ang access sa offshore oil at gas fields.