Pinahintulutan ng korte sa Quezon City ang paglilipat kay Datu “Zaldy” Unsay Ampatuan sa Philippine Heart Center (PHC).
Si Zaldy Ampatuan ang isa sa mga prime suspects sa kagimbal-gimbal na Maguindanao Massacre.
Sa court order na inilabas ng Quezon City Regional Trial Court Branch 221 araw ng Huwebes, sinabing hiniling ng dating ARMM governor na mailipat sa PHC mula sa Taguig-Pateros District Hospital matapos ma-diagnose na siya ay may ‘congestive heart failure’.
“[Ampatuan] prays that he be allowed to transfer to Philippine Heart Center from Taguig-Pateros District Hospital to undergo all other necessary medical and laboratory examinations, other procedures deemed necessary, and general recuperation because the [PHC] not only has a complete set of equipment for tests, but it also has the records of his confinement in the past year,” ayon sa korte.
Sa mga nagdaang pagdinig, tinutulan ng prosekusyon ang hiling na mailipat si Ampatuan sa PHC dahil ang sakit nito ay kaya namang matugunan ng Taguig-Pateros District Hospital.
Pero sa isang urgent ex parte motion for transfer na may petsang June 24, iginiit ng kampo ni Ampatuan na nakararanas ng hirap sa paghinga, pagtaas ng presyon at pagkahilo ang dating gobernador.
Ang paglilipat kay Ampatuan sa PHC ay kailangang alinsunod sa alituntunin ng Bureau of Jail Management and Penology.
Si Ampatuan ay isa sa 190 indibidwal na inaakusahan sa pagpatay sa 58 katao sa Magundanao noong November 23, 2009 — ang itinuturing na pinakamalalang election-related violence sa kasaysayan ng bansa at pinakamalalang pag-atake sa mga mamamahayag sa buong mundo.