Hamon ni Pangulong Duterte sa mga lider ng US, Great Britian at France na sama-samang lumusob sa Spratlys, pangangantyaw lang – Panelo

Pangangantyaw lamang ang hamon ni Pangulong Rodrigo Duterte kay U.S. President Donald Trump at sa mga lider ng Great Britain at France na sama-sama silang magtungo sa Palawan para sumugod sa Spratlys at depensahan ang teritoryo ng bansa sa West Philippine Sea laban sa China.

Ayon kay Presidential spokesman Salvador Panelo, masyado na aniyang maraming sinasabi ngayon ang Western nation leaders samantalang wala namang ginawang panghaharang noon habang nag-uumpisa pa lamang ang China sa pagtatayo ng mga istruktura sa lugar.

May kakayahan naman aniya noon ang mga makapangyarihang bansa na sawayin ang China subalit nanahimik lamang ang mga ito.

“Sa tingin ko doon nangangantiyaw siya. Masyado kayong maraming sinasabi ngayon, samantalang noon kaya niyong i-stop. ‘Yun ang punto ni Presidente doon,” pahayag ni Panelo.

Sa talumpati ng pangulo sa 122nd anniversary ng Presidential Security Group (PSG) sa Malakanyang, sinabi nito na aayain niya ang tatlong lider na mag-assemble sa Palawan sabay sugod sa Spratlys para agawin ang lugar na inaagaw sa China.

Read more...