Pamamagitan ni Pangulong Duterte sa Speakership race, hiniling
Hiningi ng ilang mambabatas na makialam na si Pangulong Rodrigo Duterte sa House Speakership race upang maiwasan ang vote buying at pagtindi pa ng kaguluhan sa loob ng mga partido.
Ayon kay Albay Rep. Joey Salceda, walang magaganap na “bloodshed” o matindi pang gulo kung ngayon pa lamang ay magparamdam na si Pangulong Duterte sa kung sino ang napipisil nito kina Leyte Rep. Martin Romualdez, Marinduque Rep. Lord Allan Velasco at Taguig Rep. Alan Peter Cayetano.
Kahapon ay kanya-kanyang pag-deny ang mga partido partikular ang PDP-Laban, Nationalist People’s Coalition (NPC) at Partylist Coalition Foundation Inc(PCFI) sa ipinalabas na manifesto of support na nag-eendorso kay Velasco, bunga nito ay nagkakaroon umano ng lamat sa loob mismo ng mga partido na may kanya-kanyang manok sa Speakership.
Nagbanta si PDP-Laban President Aquilino “Koko” Pimentel III na ang hindi bobotong party members sa kanilang ieendorsong Speaker ay mamili na kung mananatili sila na kasapi ng partido o hindi.
Si 1Pacman Partylist Rep. Mikee Romero ay nanganganib din na mapatalsik bilang pangulo ng PCFI matapos itong lumagda sa manifesto of support pabor kay Velasco na hindi sinasang-ayunan ng kanyang mga miyembro.
Sinabi ni Salceda na walang giyerang magaganap sa pagitan ng mga kandidato sa pagka-Speaker at sa mga supporter ng mga ito sa Kamara kung magkakaroon na ng divine intervention mula sa Malakanyang.
Giit ni Salceda na dahil ipinauubaya ng Pangulong Duterte kay House Speaker Gloria Macapagal-Arroyo ang pagpili ng susunod na Speaker ay malaki ang advantage ni Romualdez na kanyang ineendorso.
Ngunit, para sa ilang mambabatas, hindi dapat iasa ni Pangulong Duterte sa iba ang pagpili ng susunod na House Speaker.
Samantala, Sinabi ni political analyst Ranjit Rye na dapat may kumpiyansa si Pangulong Duterte sa itatalagang House Speaker na kayang i-deliver ang kanyang mga legislative agenda lalo pa at crucial ang nalalabing tatlong taon nito sa termino para maisakatuparan ang kanyang mga pangako sa bayan.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.