34 kumpirmadong patay sa bagyong ‘Nona’-NDRRMC
Umakyat na sa tatlumpu’t apat katao ang kumpirmadong nasawi matapos tumama ang bagyong Nona sa Luzon at Visayas regions.
Ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council, labingtatlo sa mga nasawi ang napaulat sa Mimapora, lima sa Cagayan Valley, tatlo sa Calabarzon, apat sa Bicol, walo sa Eastern Visayas at isa sa Metro Manila.
Ayon naman kay NDRRMC chief Alexander Pama, lima katao ang napaulat na nawawala at dalawampu’t apat naman ang nasugatan dahil kay Nona.
Umabot naman sa apatnapu’t dalawang kalsada at dalawampu’t isang tulay sa Central Luzon, Calabarzon, Mimaropa, Bicol, Eastern Visayas at CAR ang hindi pa madadaanan.
Dagdag pa ni Pama, aabot sa walong lungsod at apatnapu’t limang munisipalidad ang kasalukuyang wala pang suplay ng kuryente dahil sa nasirang power lines dulot ng malakas na hangin ng bagyong Nona.
Noong Biyernes, nagdeklara ng state of national calamity ang Pangulong Benigno Aquino III matapos ang pananalasa ng naturang bagyo.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.