Shell at Petron humirit ng TRO kontra ‘unbundling policy’ sa mga produktong petrolyo
Para mapigilan ang pagpapatupad ng ‘unbundling policy’ sa mga produktong-petrolyo, humirit ng magkahiwalay na
temporary restraining order (TRO) ang Pilipinas Shell at Petron laban sa Department of Energy (DoE).
Humingi ng TRO ang Shell sa Taguig regional trial court, samantalang sa isang korte sa Mandaluyong City nagpasaklolo ang Petron.
Una nang gumawa ng kahalintulad na hakbang ang Petroleum Institute of the Phils. (PIP) sa isang korte sa Makati City noong nakaraang taon.
Kontra ang dalawang kompanya ng langis sa kautusan ng DoE sa mga kompaniya ng langis na magsumite ng detalyadong cost computations ng kanilang mga produktong-petrolyo at LPG.
Ayaw din ng dalawang kompaniya sa polisiya ng kagawaran na i-ulat ang kanilang kita.
Ayon sa Shell bagamat kinikilala nila ang mandato ng DoE na subaybayan ang paggalaw ng presyon ng langis, naniniwala ito na ang naturang utos ng kagawaran ay magiging daan para sa pagbabalik ng regulasyon sa industriya.
Pagdiin pa ng kompaniya na malabo ang polisiya at imposibleng masunod.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.