Resulta ng imbestigasyon ng Philippine government sa Recto Bank incident itatago na muna ni Pangulong Duterte
Wala pang balak ngayon si Pangulong Rodrigo Duterte na isapubliko ang resulta ng imbestigasyon ng Philippine Navy at Philippine Coast Guard (PCG) sa Recto Bank incident.
Sa talumpati kagabi ng pangulo sa 122nd anniversary ng Presidential Security Group (PSG) sa Malakanyang, sinabi nito na itatago niya muna ang dokumento para sa final report.
Bukod dito, sinabi ng pangulo na gusto niya munang mabasa ang resulta ng imbestigasyon ng China.
Dagdag ng pangulo, itatago niya ang kanyang baraha lalo’t may anggulo na sinadya ang pagbanga sa bangka ng mga Filipino na mangingisda sa Recto Bank.
“Ngayon, sabihin mo sinadya. Then let us have an investigation. Itinatago ko ‘yung aking baraha. Meron ng Customs,meron ng Navy, itinatago ko for the final report kasi gusto ko tingnan ‘yung ano sa China,” ayon sa pangulo.
Pero sa pahayag kagabi ng pangulo, sinabi nito na nagkasundo silang government officials na sideswipe ang nangyaring insidente sa Recto Bank.
Kung sinadya aniya ang pagbangga ng Chinese fishing vessel sa mga mangingisda, sa ilalim sana ng bangka ang tama.
Pero ang nangyari aniya ay natapyasan lamang ang bangka ng mga Filipino.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.