Imee Marcos sa Recto Bank incident: Tama ang ginagawa ng pangulo
Suportado ni Senator-elect Imee Marcos ang mga pananaw ni Pangulong Rodrigo Duterte sa isyu ng pagbangga ng Chinese vessel sa bangkang pangisda ng mga Filipino sa Recto Bank.
Nauna nang sinabi ng pangulo na isang simpleng maritime accident lamang ang nangyari at papayagan pa rin niya ang pangingisda ng China sa exclusive economic zone ng Pilipinas dahil kaibigan anya ito.
Sa isang thanksgiving dinner, sinabi ni Marcos na hindi malambot ang pangulo at sadyang pinag-iisapan at kalkulado lamang ang kanyang mga ginagawa.
Naniniwala si Marcos na matapang ang presidente ngunit hindi ito lalaban sa digmaang alam niyang siya ay talo.
Nag-iingat lamang anya si Duterte.
“Alam naman natin na matapang si Presidente. Maswerte tayo na may warrior president tayo pero at the same time bilang magaling na mandirigma, hindi naman siya lalaban sa talo kaya maingat siya at sa palagay ko tama ang kanyang ginagawa,” ani Marcos.
“Sa palagay ko, maganda ‘yung ginagawa ni Presidente Duterte. Ako ay naniniwala na tama ‘yung kanyang tinatahak na daan—ito ‘yung landas na available sa atin ngayon,” dagdag pa niya.
Umaasa naman ang baguhang senador na maisaayos na ang Code of Conduct sa South China Sea at ang iba’t ibang joint explorations na magiging kapaki-pakinabang sa iba’t ibang panig.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.