Romualdez, tiwalang makukuha ang Speaker position sa kabila ng suporta ng PDP-Laban kay Velasco
Sa kabila ng manifesto of support na inilabas ng PDP-Laban para sa Speakership bid ni Marinduque Rep. Lord Allan Velasco, kumpiyansa pa rin si Leyte Representative-elect Martin Romualdez na malaki ang kanyang tsansa sa Speakership race.
Kasabay nito, nagsagawa ng multi-party caucus ang nasa 40 kongresista sa Quezon City para pag-usapan kung paano mapapabilis ang pagpasa sa legislative agenda ng administrasyong Duterte.
Dito ay sinabi ni Romualdez na iginagalang niya ang desisyon ng ruling party subalit ang mas mahalaga sa ngayon ay pagkaisahin muna ang lahat upang maisulong ang mga panukalang batas para sa kapakanan ng mamamayan.
Itinuturing rin nito na ‘friendly competition’ ang agawan sa liderato pero sa huli ay nagsisimula naman ang tunay na trabaho pagkatapos ng botohan sa July 22.
Nilinaw naman ng kongresista na hindi pagpapakita ng puwersa ang ipinatawag na caucus dahil may kanya-kanya namang pambato sa Speakership ang mga mambabatas bagama’t susuyuin rin niya ang mga ito.
Pero sinabi ni House Majority Leader Fredenil Castro na sa mga susunod na pagtitipon ay inaasahan na ang presensya ng mas maraming kongresista na lumagda na sa manifesto of support para kay Romualdez.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.