Ang ‘business confidence’ ay isang palatandaang pang-ekonomiya na sumusukat sa antas ng pagiging positibo ng mga nagnenegosyo sa lagay ng ekonomiya at business environment sa bansa.
Ayon sa Business Expectation Survey ng BSP na inilabas araw ng Martes, ang overall confidence index ay tumaas sa 40.5 percent sa second quarter, mas mataas sa 35.2 noong first quarter at sa naitala sa huling kwarter ng 2018.
Sinabi ng BSP na ramdam ng respondents ang epekto ng bumagal na inflation, election-related spending at ang patuloy na infrastructure programs ng administrasyon.
Kumpyansa umano ang mga negosyante na makikinabang ang kanilang mga negosyo sa gumagandang lagay na ekonomiya ng bansa.
Posibleng maging ‘less favorable’ naman ang business confidence sa ikatlong kwarter ayon sa BSP dahil sa inaasahang epekto ng tag-ulan.
Samantala, negatibo naman ang consumer confidence sa ikalawang kwarter ng taon sa -1.3 percent na mas mababa sa 0.5 percent noong unang kwarter.
Ang ‘consumer confidence’ ay sumusukat naman sa antas ng pagiging positibo ng mga consumer sa lagay ng ekonomiya ng bansa at sa kanilang personal na sitwasyong pang-pinansyal.
Ayon sa Consumer Expectation Survey ng BSP, ang pagbagsak ng consumer confidence noong ikalawang kwarter ay dahil sa negatibong pananaw ng mga consumer sa pagtaas ng presyo ng mga bilihin, health expenses at water crisis.