DOTr sa mga drayber: Focus dapat nasa kalsada wala sa nobya
Nagpaalala ang Department of Transportation (DOTr) sa driving public na unahin ang kaligtasan bago ang pakikipaglambingan sa kasintahan habang nasa kalsada.
Isang video ang ibinahagi ng kagawaran mula sa account ng ‘Carbrazzer.tv’ kung saan mapapanood ang isang couple na naghaharutan habang nagmamaneho.
Ayon sa DOTr ayaw nilang maging kill joy at makasira ng lambingan moments ng mga magkasintahan ngunit dapat munang unahin ang kaligtasan sa pagmamaneho.
“Pasintabi lang po, Ma’am and Sir. Ayaw po namin maging KJ at makasira sa lambingan moments ninyo. We understand you love each other. PERO, LOVE DIN PO NAMIN KAYO, AND WE WANT YOU TO BE SAFE,” ayon sa DOTr.
Iginiit ng DOTr na dapat ang lambingan ay nasa ligtas na lugar, pagkakataon at pamamaraan.
“Dahil diyan, nais po namin kayong paalalahanan na…. Okay lang maglambingan, basta nasa ligtas na lugar, pagkakataon at pamamaraan,” giit ng kagawaran.
Dapat umanong ang focus ng driver sa pagmamaneho ay nasa kalsada at hindi nasa katabi.
Dagdag pa ng DOTr okay lang na bumitaw sa nobya, huwag lamang sa manibela.
Samantala, ipinasa na ng DOTr sa Land Transportation Office (LTO) ang video ng magkasintahan para maimbestigahan at magawan ng nararapat na aksyon.
Mayroon ng higit 4,300 reactions ang post ng DOTr at higit 1,200 comments kung saan pinuna ng mga netizens ang magkasintahan dahil sa umano’y kaharutan at pagiging pasikat.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.