Krisis sa tubig posibleng umabot pa sa Agosto

Kahit umuulan na, hindi pa rin ito sapat para maging normal uli ang antas ng tubig sa Angat Dam na pangunahing pinagkukunan ng tubig ng mga kabahayan sa Metro Manila.

Sa pagdinig ng House oversight committee araw ng Martes, lumabas na posibleng abutin pa hanggang katapusan ng Agosto bago maibalik sa 24/7 ang serbisyo ng Maynilad at Manila Water sa kanilang mga customers.

Inamin ng Pagasa sa hearing na hindi pa sapat ang nararanasang pag-uulan para maging normal uli ang water supply sa Angat Dam.

Ayon kay Pagasa Acting Administrator Vicente Malano, kahit may bagyo ngayon sa bansa ay hindi umuulan sa Angat Dam dahil lumilihis ito papuntang Japan.

Umaasa ang ahensya na sa susunod na bagyo ay lalong ma-enhance ang Habagat at makakarekober na ang tubig sa dam.

Ayon naman sa Local Water Utilities Administration (LWUA), kapag wala pa ring ulan ay lalong babagsak sa mas mababa pa sa 157.57 cubic meters ang tubig sa Angat.

Paliwanag naman ng Maynilad at Manila water, nakasalalay sa supply ng tubig ang kanilang serbisyo kaya magiging regular lamang ang kanilang serbisyo kapag balik normal na rin ang supply.

Sa isyu na pagmultahin ang 2 kumapanya dahil sa nawalang serbisyo, sinabi ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) na maaari itong gawin kapag nakumbinse sila na force majeure o act of God ang sanhi ng problema sa tubig.

 

Read more...