Pahayag ito ng Palasyo matapos tawagin ni Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin Jr. na “boba” si Vice President Leni Robredo dahil sa pagbibigay komento sa pagkansela sa diplomatic passport ni dating Foreign Affairs Secretary Albert del Rosario.
Ayon kay Presidential Spokesman Salvador Panelo, maaring natawag ni Locsin na boba si Robredo bunsod ng galit o pagkadismaya sa Bise Presidente.
Mataas aniya ang expectation kay Robredo dahil siya ang tumatayong pangalang mataas na lider ng bansa.
Hindi rin naman nakaapekto sa trabaho ni Locsin ang paggamit ng mga makukulay na lenggawahe.
Ipinagtanggol pa ni Panelo si Locsin sa pagsasabing maging si Pangulong Rodrigo Duterte ay gumagamit din ng makukulay na lenggawahe at minumura ang mga dayuhang opisyal kapag pinakikialaman ang kanyang pamamalakad sa bansa.
Bigla aniyang hinangaan si Duterte dahil sa pagmumura kay dating US President Barack Obama, European union leaders, maging kay Pope Francis at iba pang world leaders.
“Ang Presidente natin diba ganun din ang style? Pero kita mo naman ang epekto. Look at the effect when he curses Obama di ba? Bigla siyang tiningala ng buong mundo as an emerging world leader. He stood up. Kung minsan marami ring nagagawa ‘yang mga ganyan,” ani Panelo.
Ayon pa kay Panelo, hindi na kailangan na paalalahanan pa si Locsin sa paggamit ng makukulay na lenggwahe dahil sapat na ang paghingi nito ng paumanhin kay Robredo.
“Nag-apologize na nga siya eh. So, from the point of view of the outside world, okay iyong mamang ito, kasi he admits his mistake and makes an apology to the offended person. Napakahirap mag-admit ng mistake and he should be credited for that by apologizing,” dagdag ng opisyal.