Bagyong Dodong bahagyang bumagal habang kumikilos pa-Hilagang-Silangan
Bahagyang bumagal ang pagkilos ng Tropical Depression ‘Dodong’ habang kumikilos pa-Hilagang-Silangan.
Sa 11pm press briefing ng PAGASA, huling namataan ang bagyo sa layong 655 kilometro Silangan ng Calayan, Cagayan.
Taglay nito ang lakas ng hanging aabot sa 45 kilometro bawat oras malapit sa gitna at pagbugsong aabot sa 60 kilometro kada oras.
Kumikilos ang bagyo sa direksyong Hilagang-Silangan sa bilis na 15 kilometro bawat oras.
Ayon kay weather forecaster Ezra Bulquerin, walang magiging direktang epekto ang bagyo saan mang bahagi ng bansa pero pinalalakas nito ang Habagat na magdadala ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan, pagkulog at pagkidlat sa western sections ng Luzon at Visayas.
Sa Huwebes, magpapaulan ang Habagat na pinalalakas ng bagyo sa Metro Manila, Visayas, western sections ng Central Luzon, CALABARZON at MIMAROPA.
May posibilidad ng mga pagbaha at pagguho ng lupa lalo na sa mga mababang lugar.
Pinapayuhan ang mga residente na sumunod sa utos ng Disaster Risk Reduction and Management Councils (DRRMCs).
Hindi tatama sa kalupaan ang bagyo at inaasahang lalabas na ng Philippine Area of Responsibility (PAR) bukas ng gabi.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.