Ayon kay Presidential Spokesman Salvador Panelo, ito ay para malaman na ng publiko ang bersyon ng China kaugnay ng pagbangga ng isang Chinese vessel sa bangka ng mga mangingisdang Pilipino.
“Kailangan ilabas na lang nila, bakit ko pa tatanungin. Baka makulitan pa sa akin iyan, ang ganda na nga ang sinasabi niya nag-iimbestiga sila. At saka, you know, from the very start ‘di ba sinabi niya, they will hold accountable, the guilty party, and they will not tolerate such irresponsible behavior. Ibig sabihin, iyon ang assurance nila,” ani Panelo.
Bukod dito, sinabi ni Panelo na ito ay para papanagutin na rin ng Chinese government ang mga taong dapat na managot dahil sa pag-iwan sa mga Pinoy.
Una rito, sinabi ni Panelo na imahinasyon lamang ng Chinese crew ang pagkabahala na kuyugin sila ng mga Pilipino matapos banggain ang bangka ng dalawamput dalawang mangingisda.
Panghahawakan aniya ng Pilipinas ang pangako ng China na hindi nila kukunsintihin at papanagutin ang mga dapat na papanagutin sa Recto Bank incident.