DOE: Oil companies obligadong magpaliwanag sa price adjustments

AFP PHOTO/Jay DIRECTO

Hindi nagpatinag at itutuloy pa rin ng Department of Energy (DOE) ang pagpapatupad ng kontrobersyal na circular na nag-uutos sa mga oil companies na ilahad sa publiko ang detalye ng kanilang ginagawang price adjustments sa petroleum products.

Sinabi ni Energy Assistant Secretary Roberto Uy na tuloy ang pagpapatupad ng nasabing kautusan hangga’t walang inilalabas na desisyon ang hukuman.

Magugunitang pilit na hinaharang ng mga kumpanya ng petrolyo ang nasabing hakbang ng DOE.

Noong nakalipas na linggo ay naghain sa Makati Regional Trial Court ang Philippine Institute of Petroleum Inc. (PIP) ng “Petition for Declaratory Relief with Application for a Temporary Restraining Order and/or Preliminary Injunction” laban sa Circular No. DC2019-05-0008 ng DOE.

Kanilang ikinatwiran na paglabag ito sa umiiral na oil deregulation law sa bansa.

Ang PIP ay binubuo ng Chevron Philippines Inc., Isla LPG Corp., Petron Corp., Pilipinas Shell Petroleum Corp., PTT Philippines Corp., at Total Philippines Corp.

Nauna dito ay sinabi ng DOE na karapatan na malaman ng publiko kung ano ang mekanismo na ginagamit na mga oil companies sa haloy ay linggo-linggo nilang pagtataas sa halaga ng mga produktong petrolyo.

Read more...