Mindanao, pinaghandaan na ang posibleng pagbaha
Aabot sa 100,494 katao na ang inilikas sa Caraga region at iba pang bahagi ng Mindanao.
Hinimok ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ang Caraga region na magsagawa ng preemptive evecuation dahil sa banta ng malakas na ulan at matinding pagbaha na inaasahang idudulot ng bagyong ‘Onyok’ na naging isang Low Pressure Area (LPA) na lamang.
Bagaman humina ito at isa na lamang LPA matapos mag-landfall sa Manay, Davao Oriental, Biyernes ng gabi, inaasahang magdadala pa rin ito ng katamtaman hanggang malakas na ulan sa silangan, hilaga at gitnang Mindanao ngayong weekend.
Kasabay nito, iniutos ni Gov. Arturo Uy ang mga klase sa Compostela Valley, pati na ang preemptive evacuation lalo na sa mga landslide-prone areas tulad ng mga minahan ng ginto.
Nanawagan rin si NDRRMC chief Alexander Pama sa mga minero sa Compostela Valley na umalis na muna sa mga minahan bago pa man mag-landfall ang bagyong ‘Onyok’ para makaiwas sa trahedyang dulot ng pagguho ng lupa.
Umapela rin si Uy sa mga residente na sumunod na sa maagang paglilikas bilang paghahanda sa pinsalang maaring idulot ng sama ng panahon.
Naghayag naman ng kahandaan ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) na rumesponde sa mga mangangailangan.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.