Locsin nag-sorry matapos tawaging ‘boba’ si Robredo
Tinawag ni Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin Jr. na “boba” si Vice President Leni Robredo dahil sa komento nito kaugnay ng kanselasyon ng diplomatic passports ng mga dating kalihim ng DFA.
Sa kanyang radio show ay nagpahayag ng opinyon si Robredo sa isyu kasunod ng pagharang kay dating DFA Secretary Albert del Rosario sa Hong kong noong June 19.
Pero sinabi ni Locsin na kaya kinansela ang lahat ng diplomatic passports ay para hindi “singled out” si Del Rosario sabay tawag kay Robredo na “boba.”
Ginawa na umano ni Locsin ang tama, ang pag-restrict sa diplomatic passports para lamang sa “real existing working diplomats.”
Pinalagan naman ng kampo ni Robredo ang pag-insulto ni Locsin sa Pangalawang Pangulo.
Ayon sa tagapagsalita ni Robredo na si dating Rep. Barry Gutierrez, ang pagkansela sa “courtesy diplomatic passport” matapos na hindi papasukin si Del Rosario sa Hong Kong ay hindi nagsusulong ng propesyunalismo kundi isa anyang kaduwagan.
Kung gusto anyang limitahan ng kalihim ang passport para sa totoong nagtatrabahong diplomat ay dapat na simulan ni Locsin na kanselahin ang kanyang diplomatic passport.
Hindi rin nakaligtas si Locsin sa batikos ng mga netizens dahil sa pagtawag nitong boba kay Robredo.
Sa social media ay nagpahayag ng kani-kanilang reaksyon ang mga netizens sa sinabi ng Kalihim sa Bise Presidente.
Dahil dito ay sumagot ang opisyal na hindi niya binabastos si Robredo. May mga bagay lang anya na kailangang pag-isipan.
Kalaunan ay humingi ng paumanhin si Locsin sa kanyang pahayag kay Robredo. Nilinaw pa nito na si Robredo ang “rightful successor” kay Pangulong Rodrigo Duterte.
Iginiit din nito sa kanyang mga sumunod na tweets ang kanyang apology at ang pahayag na si Robredo ang nanalong Pangalawang Pangulo sa eleksyon.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.