Hinikayat ng Human Rights Watch (HRW) ang United Nations (UN) na magsagawa ng imbestigasyon sa kampanya kontra droga sa Pilipinas.
Sa inilabas na pahayag, sinabi ni HRW Deputy Director Laila Matar na nagpapatuloy pa rin kasi ang karahasan kung saan libu-libo na ang nabibiktima ng aniya’y extrajudicial executions.
Giit ni Matar, mayroong sapat na rason ang mga Filipino para matakot sa posibilidad na masawi ang kanilang mga kaanak sa ilalim ng aniya’y “murderous” na war on drugs ng administrasyong Duterte.
Hindi pa aniya huli ang lahat para labanan ito nang mapigilang masawi ang libu-libo pang iba.
Binanggit pa ng HRW ang datos ng United Nations High Commissioner for Human Rights kung saan aabot umano sa 27,000 katao ang nasawi mula March 2019.
Ani Matar, itinatanggi ng pulisya ang nasabing bilang ngunit inaming nasa mahigit-kumulang 6,000 katao na ang nasawi.
Maliban dito, sinabi pa ng HRW na makararanas ng harassment ang sinumang tumutol sa drug war ng gobyerno.