Mga kongresista ng PDP-Laban nagkaisa para suportahan si Cayetano bilang house speaker
Nagkaisa ang mga kongresista mula sa partidong PDP-Laban sa pangunguna ni Rep. Ronnie Zamora, Rep. Neptali “Boyet” Gonzales II, Rep. Abraham Tolentino at Rep. Dan Fernandez, upang ihayag ang kanilang suporta sa pagka-speaker ni Taguig-Pateros Congressman Alan Peter Cayetano.
Sa kasagsagan ng init sa karera sa bagong House Speaker, nagkaisa ang mga mambabatas sa PDP-Laban upang isulong ang pagka-speaker ni Cayetano kahit pa siya ay mula sa Nacionalista Party.
Ayon kay Congressman Zamora (Lone District of San Juan), nagdesisyon siyang suportahan si Cayetano dahil alam niyang siya ang pinaka-kwalipikadong tumayo bilang speaker kumpara sa ibang mambabatas na nagnanais na mamuno sa House.
Sinabi naman ni Congressman Gonzales (Lone District of Mandaluyong) na ang kailangan sa Kamara ay hindi lamang malapit sa presidente kundi meron din itong kakayanang mamuno, bukod pa sa magandang track record sa serbisyo publiko.
Dagdag naman ni Cong. Tolentino (7th District, Cavite) td Cong. Dan Fernandez (1st District, Laguna), naghayag na ng suporta ang karamihan ng PDP-Laban solon para kay Cayetano dahil nais nila na ang mamuno sa Kamara ay taong mapagkakatiwalaan.
“Leading more than 250 independent-minded solons is not an easy task, it entails experience and competence,” ayon kay Tolentino.
Marami ring miyembro ng PDP-laban sa Kamara ang nadismaya sa lantarang pagbili ng boto ng ibang nagnanais na maging speaker. Nangyari ito ilang linggo pa lang ang nakalipas.
Ayon naman kay Fernandez, mas pinili nila na suportahan si Cayetano dahil naniniwala sila sa prinsipyo, integridad na isinusulong ni Cayetano, kaya naman malaki ang tyansa niya sa speakership kahit hindi siya miyembro ng partido ng presidente.
Naniniwala ang mga kongresista na maidadala ni Cayetano sa mas maayos na kalagayan ang legislative agenda ng Pangulo dahil parehong naka-linya sa iisang direksyon ang kanilang pananaw patungo sa maayos at komportableng buhay ng Filipino.
Magugunita na sinabi ni Sen. Manny Pacquiao, na tumayong campaign manager ng PDP-Laban noong nakaraang eleksyon, na handang suportahan ng PDP-Laban ang napipisil nilang kandidato sa pagka-speaker kahit na hindi ito kasapi ng partido basta suportado ng presidente.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.