Bagyo posibleng pumasok sa bansa sa loob ng dalawang araw
Posibleng maging tropical depression ang binabantayang Low Pressure Area (LPA) sa Silangang bahagi ng bansa sa loob ng apat na pu’t walong oras.
Ayon sa Pagasa weather bureau, huling namataan ang LPA sa layong 760 kilometers East ng Casiguran, Aurora bandang Lunes ng tanghali.
Sakaling maging tropical depression, sinabi ng weather bureau na tatawagan itong ‘Dodong.’
Samantala, magdudulot naman ng maulap na may kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorm ang trough ng LPA sa Metro Manila, Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, Quezon, Oriental Mindoro, Occidental Mindoro, Marinduque, Romblon, Palawan, Albay, Camarines Norte, Camarines Sur, Catanduanes, Masbate at Sorsogon.
Kaparehong sama ng panahon ang mararamdaman sa bahagi ng Zambales, Aurora, Bataan, Zamboanga del Norte, Zamboanga del Sur, Zamboanga Sibugay, at Visayas.
Gayunman, sinabi ng Pagasa na malabong mag-landfall ang sama ng panahon sa anumang parte ng bansa.
Ang nalalabi namang bahagi ng bansa ay makararanas ng maulap na kalangitan na may isolated rain showers bunsod ng localized thunderstorms.
Babala ng Pagasa, posible pa rin itong magdulot ng pagbaha at landslide sa ilang mababang lugar.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.