‘Wattah! Wattah! Festival’ ng San Juan umarangkada na
Sa kabila ng nararanasang krisis sa tubig, natuloy pa rin ang ‘Wattah! Wattah! Festival’ ng San Juan City.
Ang June 24 ay kapistahan ni San Juan Bautista na dahilan ng masayang basaan na tila pagsariwa sa binyag.
Ngayong araw ay 16 na fire trucks lang ang gagamitin para sa selebrasyon, higit na mas mababa sa 50 fire trucks noong 2018.
Ito ay bilang bahagi ng water conservation campaign ng San Juan City.
Ayon kay San Juan Police chief Col. Ariel Fulo, dinagdagan ng 50 pulis ang pwersang ipakakalat sa Pinaglaban Shrine na pagdarausan ng ‘Wattah! Wattah!’
Nauna nang sinabi ni outgoing Mayor Guia Gomez na napili ang Pinaglabanan Shrine dahil mas malawak ito lalo’t inaasahang mas marami ang makikilahok sa selebrasyon ngayong taon.
Nagpaalala naman ang alkalde sa mga residente na huwag gumamit ng maruming tubig at mga tubig na ilalagay sa mga plastic, bote o anumang bagay na nakasasakit.
Bawal din ang maghagis ng tubig sa loob ng mga sasakyan.
Ang mga lalabag ay papatawan ng hindi lalampas sa P5,00 na multa o anim na araw na pagkakakulong.
Samantala, ipinatutupad na sa lungsod ang liquor ban na nagsimula kaninang alas-12:01 ng madaling araw at tatagal hanggang alas-3:00 ng hapon.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.