LPA nakakaapekto na sa halos buong bansa
Patuloy na nakakaapekto sa malaking bahagi ng bansa ang binabantayang low pressure area sa loob ng Philippine Area of Responsbility (PAR).
Ayon sa 4am update ng PAGASA, sinabi ni weather forecaster Meno Mendoza na huling namataan ang sama ng panahon sa layong 595 kilometro Hilagang-Silangan ng Borongan City, Eastern Samar.
Hindi pa inaasahang magiging ganap na bagyo ang LPA sa susunod na 24 oras.
Pero ayon sa weather bureau, nakakaapekto na ang trough o extension ng bagyo sa Metro Manila, Visayas, CALABARZON, MIMAROPA, Bicol Region, Caraga, Davao Region at lalawigan ng Aurora.
Magdadala ang LPA ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan, pagkulog at pagkidlat sa nasabing mga lugar.
Nagbabala ang PAGASA ng posibilidad ng pagbaha at pagguho ng lupa sa panahong may malalakas na pag-ulan.
Samantala, ang nalalabing bahagi ng bansa ay makararanas naman ng bahagyang maulap hanggang maulap na kalangitan na may posibilidad ng mga pag-ulan dulot ng localized thuderstorms.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.