Duterte: PH, China, 3rd party iimbestigahan ang insidente sa Recto Bank
Nais ni Pangulong Rodrigo Duterte na magkakasamang imbestigahan ng Pilipinas, China at isang neutral na bansa ang nangyari sa pagitan ng barko ng China at bangka ng mga mangingisdang Pilipino sa Recto Bank.
Inihayag ng Malakayang araw ng Sabado na tinanggap ng Pangulo ang alok ng gobyerno ng China na magkaroon ng joint investigation ng umanoy “hit and run” o pagbangga ng Chinese vessel sa fishing vessel ng mga Pinoy noong June 9.
“The Palace wishes to inform our people that President Rodrigo Roa Duterte welcomes and accepts the offer of the Chinese Government to conduct a joint investigation to determine what really transpired in Recto Bank and find a satisfactory closure to this episode,” pahayag ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo sa isang statement.
Pero ayon sa Palasyo, bukod sa Pilipinas at China, nais ni Pangulong Duterte ang partisipasyon ng isang neutral third country sa imbestigasyon.
Nais anya ng Pangulo ang pagbuo ng joint investigating committee na bubuuin ng tatlong grupo ng mga highly qualified at competent na mga indibidwal.
Sinabi ni Panelo na ang Pilipinas at China ay magkakaroon ng tig-isang kinatawan at ang ikatlong miyembro ay isang neutral na bansa.
“To this end, the President wants the creation of a joint investigating committee that shall be composed of three groups of highly qualified and competent individuals, with Philippines and China having one representative each, and a third member coming from a neutral country,” dagdag ng opisyal.
Unang inalok ni Chinese foreign ministry spokesperson Lu Kang ang pagkakaroon ng joint marine inquiry para malaman kung ano talaga ang nangyari.
Pero ibinasura ito ni Foreign Affairs Sec. Teodoro Locsin Jr. at una ring sinabi ni Panelo na ang imbestigasyon ng Pilipinas at China ay maaaring magresulta sa ispekulasyon at akusasyon ng bias.
Nilinaw naman ni Panelo na hindi isinusuko ng gobyerno ang soberanya ng bansa o kinokompromiso ang karapatan ng 22 mangingisdang Pilipino.
Nais anya ng pamahalaan ang hustisya para sa mga mangingisda at ginagawa ng bansa ang lahat ng legal na paraan.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.