Nangako si Pangulong Rodrigo Duterte sa mga Thai businessmen na tatanggap ang mga ito ng proteksyon laban sa kurapsyon kung mamumuhunan sila sa Pilipinas.
Sa isang pahayag sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na ito ang mensahe ng Pangulo sa Thai business community sa gitna ng 34th ASEAN Summit sa Thailand araw ng Sabado.
Hinimok anya ng Pangulo ang mga Thai investors na sumabay sa pag-unlad ng Pilipinas sa pamamagitan ng paglalagay ng investments sa bansa.
Tiniyak rin anya ni Pangulong Duterte na hindi mabibiktima ng katiwalian ang naturang mga dayuhang negosyante at lalago ang kanilang investments sa bansa.
“The President concluded his message by urging the Thai business community to ride with the Philippine growth momentum and asked them to invest in the country with the Chief Executive’s assurance of protection from corruption and financial gain from their investments,” ani Panelo.
Nakipag-pulong si Duterte sa ilang business executives na kumakatawan sa iba’t ibang sektor ng ekonomiya ng Thailand gaya ng banking, tourism, food and beverage, real state, energy at agro-industry.
Ayon kay Panelo, kasabay ng courtesy call ng mga business executives ay ang kanilang kumpyansa sa pamumuno ng Pangulo.
Pinasalamatan naman anya ng Pangulo ang Thai businessmen sa pagbibigay ng mga trabaho sa mga Pilipino bilang ikatlong top investing country sa Pilipinas sa unang kwarter ng 2019.