Diplomatic passport ni ex-DFA Sec. Del Rosario, posibleng hindi nagamit nang maayos – Palasyo

Posibleng hindi nagamit nang maayos ang diplomatic passport ni dating Foreign Affairs Secretary Albert Del Rosario sa pagbiyahe sa Hong Kong, ayon sa Palasyo ng Malakanyang.

Sa inilabas na pahayag, sinabi ni Presidential spokesman Salvador Panelo na pribadong pulong ang dahilan ng pagbiyahe ni Del Rosario at walang relasyon sa serbisyo ng gobyerno.

Bilang isang dating chief diplomat, sinabi ni Panelo na dapat alam ni Del Rosario ang tamang paggamit ng diplomatic passport at iba pang travel documents.

Dagdag pa nito, hindi maaaring kwestiyunin ang naging aksyon ng Hong Kong dahil mayroon itong karapatan para pigilan ang sinumang dayuhan na makapasok sa kanilang teritoryo.

Gayunman, sa pamamagitan ng kanilang consular office sa Hong Kong, tiniyak naman ni Panelo na patuloy ang pag-asiste kay Del Rosario katulad ng ibang Pinoy na nangangailangan ng tulong sa ibang bansa.

Hinarang si Del Rosario sa Hong Kong International Airport at isinailalim sa anim na oras na pagtatanong mula sa immigration officers.

Sina Del Rosario at dating Ombudsman Conchita Carpio-Morales ang naghain ng kaso sa International Criminal Court (ICC) laban kay Chinese President Xi Jinping noong Marso.

Read more...