2 umano’y NPA members, patay sa engkwentro sa Negros Oriental
Patay ang dalawang hinihinalang miyembro ng New People’s Army (NPA) sa shootout sa Santa Catalina, Negros Oriental araw ng Biyernes.
Ayon kay Brig. Gen. Ignacio Madriaga, commander ng 302nd Infantry Brigade, nasa 10 rebelde ang nakipagbakbakan laban sa militar sa Barangay Talalak.
Una aniyang nagpaputok ng baril ang mga rebelde sa military outpost dahilan para gumanti ang mga tropa ng pamahalaan.
Hindi nagtagal tumakas ang mga rebelde.
Hindi pa alam ang pagkakakilanlan ng mga nasawing rebelde.
Wala namang nasugatan sa hanay ng mga militar.
Narekober ng mga sundalo ang tatlong magazine para sa M16 rifle na may lamang 25 bala, tatlong M14 live ammunition, fragmentation grenade na walang safety pin, electrical wire.
Maliban dito, nakuha rin ang basyo ng M203 grenade launcher, isang bandoleer, ilang gamit, sling bag at kulay kayumangging bull cap.
Nagkasa ang militar ng hot pursuit operation laban sa mga tumakas na rebelde.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.