Inaresto ng Bureau of Immigration (BI) ang isang overstaying Korean national na sangkot sa pagpasok sa ilang Pinay sa prostitusyon sa isang nightclub sa Mindanao.
Ayon kay BI intelligence chief Fortunato Manahan Jr., nahuli ang Korean national na si Suc Joo Chang alyas Seok Choi ng mga tauhan ng Mindanao Intelligence Task Group sa General Santos City, South Cotabato noong June 13.
Ani Manahan, ikinasa ang operasyon kasunod ng inilabas na mission order ni Immigration Commissioner Jaime Morente matapos mapag-alamang may kinakaharap itong kasong may kinalaman sa human trafficking sa isang raid.
Nasagip sa raid ang 22 babae na ipinasok ni Chang sa nightclub para magsayaw ng walang damit sa mga customer.
Sa ngayon, nakadetine si Chang sa holding facility ng ahensya sa Davao.
Ipinag-utos na rin ni Morente ang pagproseso sa deportation proceedings ni Chang dahil sa pagiging overstaying alien.
Nabigo kasing mapalawig ni Chang ang kaniyang tourist visa na napaso noong January 19, 2019. / Angellic Jordan