Pagtungo ni dating Foreign Affairs Secretary Albert del Rosario sa Hong Kong kinuwestyon ng Malakanyang
Kinuwestyon ng Palasyo ng Malakanyang ang pagpunta ni dating Foreign Affairs Secretary Albert del Rosario sa Hong Kong.
Ito ay kasunod ng pagharang kay Del Rosario sa Hong Kong International Airport, Biyernes ng umaga.
Sa isang panayam, sinabi ni Presidential spokesman Salvador Panelo na hindi nito maintindihan kung bakit bumiyahe pa rin si Del Rosario patungong Hong Kong sa kabila ng naunang naranasan ni dating Ombudsman Conchita Carpio Morales.
Ani Panelo, kung siya ang nasa pwesto ni Del Rosario, hindi na niya susubukang pumunta sa Hong Kong dahil sa sinapit ni Morales.
Sinabi pa ni Panelo na hindi makukuwestyon ng Pilipinas ang desisyon ng Hong Kong para hindi magpapasok at imbestigahan ang sinumang dayuhang nais pumasok sa kanilang teritoryo.
Samantala, tiniyak naman ni Panelo kay Del Rosario na tutulungan ng gobyerno ang lahat ng Filipino sa ibang bansa na mangangailangan ng tulong.
Hinarang si Del Rosario sa paliparan at isinailalim sa pagtatanong ng mga otoridad ng Hong Kong bandang 7:40 ng umaga.
Sina Del Rosario at Morales ang nagsampa ng reklamo sa International Criminal Court (ICC) laban kay Chinese President Xi Jinping dahil sa umano’y crimes against humanity.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.