Poe, umaasang papaboran din ng Comelec sa maling isinulat sa 2013 COC

 

Marianne Bermudez/Inquirer

Matapos makalusot si Davao City Mayor Rodrigo Duterte at pahintulutang humalili kay dating Barangay Chairman Martin Diño bilang presidential candidate ng PDP-Laban, umaasa rin ang kampo ni senador Grace Poe na pagbibigyan din ng Comelec ang ‘honest mistake’ nito sa kanyang 2013 Certificate of Candidacy.

Matatandaang tinanggap na ng Comelec ang COC ni Duterte at pinahintulutang tumakbo bilang pangulo sa 2016 elections.

Ayon kay Rex Gatchalian, tagapagsalita ni Poe, welcome sa kanila ang desisyon ng Comelec.

Bahagi aniya ito ng proseso sa ilalim ng isang demokrasya kung saan may karapatan ang bawat indibidwal na makapagsilbi sa taumbayan.

Umaasa aniya sila na tulad ng naging paborableng desisyon sa kaso ni Duterte, ay magiging positibo rin ang desisyon ng Comelec sa Motion for Reconsideration ni Poe nang ito’y ‘magkamali’ sa kanyang 2013 COC nang ito’y tumakbo sa pagka-senador.

Matatandaang kinukuwestyon ngayong ang residency status ng senadora dahil inilagay nito sa kanyang 2013 COC na noong November 2006 lamang siya nanirahan sa Pilipinas.

Kung pagbabatayan ang 10-year residency requirement para sa kandidato sa pagka-pangulo, lumalabas na nasa mahigit siyam na taon pa lamang itong naninirahan sa bansa bago sumapit ang eleksyon sa susunod na taon.

Gayunman, giit ng panig ng senadora, isang ‘honest mistake’ ang pagkakasulat ni Poe ng naturang petsa sa kanyang 2013 COC.

Read more...