Holiday express bus, tinatangkilik na ng mga pasahero

 

Inquirer file photo

Kung ikukumpara sa mga unang araw ng implementasyon nito, mas dumarami na ngayon ang mga pasaherong tumatangkilik sa holiday express bus na bumabagtas ng EDSA.

Ayon kay Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Emerson Carlos, nabatid nila na kugn dati-rati ay sampu lamang ang laman ng mga express bus sa tuwing umaalis, ngayon ay lumalampas na ang bilang sa 30.

Naniniwala si Carlos na bunsod ito ng mas pinababang presyo ng pamasahe, dahil mula sa dating P80 mula Trinoma hanggang Park Square sa Makati City, naging P60 na lamang ito.

Ang dati namang P50 na pamasahe mula SM Megamall patungong Park Square, ngayon ay P40 na lamang habang ang halaga ng pamasahe mula SM North EDSA hanggang Glorietta 5 na dati ay P80, P64 na lamang ang singil ngayon.

Sa kabila nito, patuloy pa rin ang panghihikayat ng MMDA at ng Department of Transportation and Communications na tangkilikin ang mga nasabing express bus.

Layon kasi ng mga nasabing express bus na mabawasan ang oras ng byahe ng mga pasahero dahil point to point na lamang ang biyahe nito at hindi na nagsasakay pa ng pasahero sa pagitan ng dalawang natatanging destinasyon.

Mas komportable rin ang magiging byahe ng mga pasaherong sasakay dito dahil bago at malinis ang mga bus na may mas maiging airconditioning.

Nagsisimula ang mga biyahe ng holiday express bus ng alas-6 ng umaga, at may mga biyahe ito kada 30 minuto hanggang alas-10 ng gabi.

 

Read more...