Kagawad, tanod arestado sa aktong paggamit ng droga sa loob ng barangay hall sa Cavite
Arestado ang isang Barangay Kagawad at isang tanod sa buy-bust operation na isinagawa ng Bacoor City Police sa Barangay Hall ng Barangay Aniban 5 sa lungsod.
Nakilala ang kagawad na si Dante Junio Morales, 50 anyos at ang tanod na si Miguel Dela Cruz Piedad, 53 anyos.
Nakuha sa surveillance video ng poseur buyer ang ginawang pagtimbang at pagbatak ng shabu nina Morales at Piedad.
Kapwa high-value target ang dalawang suspek na ayon sa mga pulis ay dalawang buwan na nilang minamanmanan.
Bukod sa paggamit ng droga sa loob ng Barangay Hall, doon na rin nagaganap ang pagbebenta ng dalawang suspek.
Sa press briefing araw ng Huwebes, sinabi ni Bacoor Police chief Pol. Lt. Col. Vicente Cabatingan na alam na ng mga nakapalibot sa baranggay ang pagbebenta ng droga ng dalawa ngunit natatakot silang isumbong ang mga ito dahil sa pagiging siga ni Morales.
Walang ideya ang kapitan ng baranggay na ginagawang drug den ang kanyang opisina.
Nakuhaan ang mga suspek ng .89 grams ng shabu na nagkakahalaga ng P6,052.
Bukod sa kasong paglabag sa mga probisyon ng Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, mahaharap din ang dalawa sa mga kasong administratibo.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.